Sa panahon ngayon laging sinasabi na bawal at mahal magkasakit kaya nararapat lamang na alagaang maigi ang sarili upang maiwasang magkasakit. Ang kalusugan ay isa sa pinakamagandang kayamanan ng isang tao. Ito ay katumbas ng maraming pagdiriwang at salu-salo. Ang maayos na pag-aalaga sa sarili ay nagsisimula sa pagkain ng tama upang makakuha ng wastong nutrisyon. Ang nutrisyon na kailangan ng katawan ay hindi nakukuha sa iisang uri ng pagkain o bitamina kaya't kinakailangan ang masusing pag-aaral at pamimili ng kakainin. Isa sa pinakamagandang bunga ng tamang pagkain ay ang pagkakaroon ng tamang timbang. Ang pagkakaroon naman ng wastong timbang ay makakamtan kapag sinabayan ng regular na pag-eehersisyo.