Ang linyang ito ay katumbas lamang ng “happy ending” sa wikang Ingles. Tulad ng mga kwentong pambata, kadalasan ay nangingibabaw ang kabutihan laban sa kasamaan at ito ay nangyayari sa bandang huli ng kwento ngunit bago ito makamit ng mga pangunahing tauhan ay kinakailangan nilang gumawa o kinakailangan nilang magsakripisyo. Isa itong magandang konsepto upang maipakilala sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagsisikap o pagpupunyagi upang makamit ang mga ninanais sa buhay. Sa tunay na buhay, ito naman talaga ang nangyayari. Sabi pa nga, kung may tiyaga, may nilaga. Hindi mo makakamit ang mga bagay na gusto mo kung wala kang pagpupunyagi.