Answer:
Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo.” Kung ano ang makasasama sa iyo, makasasama rin ito sa iyong kapwa. Kung ano ang makabubuti sa iyo, makabubuti rin ito sa kaniya. Bakit nga ba kaibigan? Sapagkat siya ay iyong kapwatao. Magkatulad ang inyong pagkatao bilang tao. Ito ang tunay na mensahe ng gintong aral (Golden Rule). Kinikilala nito ang karapatan ng bawat indibidwal sa paggalang ng kanyang kapwa. Hindi nga ba’t ito rin ang utos ng Diyos sa tao? Sinabi niyang “Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” Nangangahulugan ito ng pagkilala sa dignidad na taglay ng lahat ng tao. Nilikha ng Diyos ang lahat ng tao ayon sa Kaniyang wangis. Ibig sabihin, ayon sa Kaniyang anyo, katangian at kakayahan. Samakatuwid, ang dignidad ng tao ay nagmula sa Diyos; kaya’t ito ay likas sa tao. Hindi ito nilikha ng lipunan at ito ay pangkalahatan, ibig sabihin, taglay ng lahat ng tao. Ngunit, marahil tinatanong mo ang iyong sarili, ”Bakit may pagkakaiba ang tao? Bakit may taong mayaman? Bakit may mahirap? Bakit magkakaiba ang kanilang edad, kasanayang pisikal, intelektuwal at moral na kakayahan, ang benepisyo na natatanggap mula sa komersiyo, at ang pagkakabahagi ng yaman? Maging ang talento ng tao ay hindi pantay-pantay na naibahagi. Sa kaniyang kapanganakan, hindi ibinigay sa tao ang lahat ng kaniyang pangangailangan para sa pag-unlad ng kaniyang materyal o pangkatawan at pang-espiritwal na buhay. Ipinahihiwatig nito na kailangan natin ang ating kapwa. Kasama ito sa plano ng Diyos, na tunay na nagnanais na matanggap ng bawat indibidwal ang kaniyang mga pangangailangan mula sa kaniyang kapwa. Inaasahan Niya na yaong nabiyayaan ng mga natatanging talento at kakayahan ay magbabahagi ng mga biyayang ito sa mga taong nangangailangan ng mga ito. Ang ganitong mga pagkakaiba ang humihikayat sa tao na isabuhay ang pagiging mapagbigay at mabuti. Ang nais ng Diyos ay yakapin ng tao ang pagbabahagi ng mga biyaya at regalo na natanggap ng bawat tao mula sa Kaniya.
Saan ngayon nagkakaroon ng pagkakapantay-pantay ang tao? Ang pagkakapantay-pantay ng tao ay nakatuon sa kaniyang dignidad bilang tao at ang karapatan na dumadaloy mula rito.
Ano ba ang dignidad? Ang dignidad ay galing sa salitang Latin na dignitas, mula sa dignus, ibig sabihin “karapat-dapat”. Ang dignidad ay nangangahulugang pagiging karapat-dapat ng tao sa pagpapahalaga at paggalang mula sa kaniyang kapwa. Lahat ng tao, anoman ang kaniyang gulang, anyo, antas ng kalinangan at kakayahan,ay may dignidad. May mga katangian ang tao na nagpapabukod-tangi sa kaniya kung ihahalintulad sa ibang nilikha. Sapagkat mayroon siyang isip na nagbibigay sa kaniya ng kakayahang umunawa ng konsepto, mangatuwiran, magmuni-muni at pumili nang malaya. May likas na kakayahan siyang hubugin at paunlarin ang kaniyang sarili gamit ito. Hindi man agad nagagamit ng ilan ang kakayahang ito katulad ng mga bata, ang pagiging bukod-tanging tao ang mabigat na dahilan ng kaniyang dignidad. Kung kaya wala itong pinipili, hindi ito para lamang sa iilan.