B. PAGTUKLAS NG DATING KAALAMAN Mulat ka ba sa mga nangyayari sa lipunan sa kasalukuyan? Hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo ay mapapansin ang hindi pagkakasundo o alitan ng mga tao. Hindi lamang mga contestant sa Ms. Universe ang maaaring mangarap ng kapayapaan sa mundo. Hindi man tuwirang nabibigkas ng maraming tao ay marami rin ang nangangarap ng matiwasay na lipunan, at marahil ay isa ka sa mga ito. Pero paano nga kaya magkakaroon ng katiwasayan sa lipunan? Kung tatanungin kita ngayon, ano kaya ang maipapayo mo? Gawin natin 'yan ngayon sa unang bahagi ng araling ito.
Gawain 1 Panuto: 1. Sa unang bahagi ng gawaing ito ay mahalagang maibahagi mo muna kung ano ang larawan ng isang matiwasay na lipunan para sa iyo. Isulat mo ang mga katangian ng isang matiwasay na lipunan. 2. Ang iyong sagot sa tanong na ito ay maaari mong maipakita sa malikhaing pamamaraan. Maaaring gumawa ng diorama o kaya naman ay gumuhit ng isang blueprint. 3. Mahalagang maglakip ng maikling paglalarawan sa ginawang representasyon.