7 Hudhud ni Aliguyon Isang araw sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba't ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kaniyang ama ay marami Natuto siya kung paano makipaglaban nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit noong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kaniya. Nang magbinata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Pangaiwan, ang kaaway ng kaniyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kaniyang hamon ay hindi si Pangaiwan. Ang humarap sa kaniya ay ang mabangis na anak nito, si Dinoyagan na bihasa rin sa labanan tulad ni Aliguyon. Hindi nag-alinlangan, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Dinoyagan Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Dinoyagan upang iwasan ang sibat. Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Dinoyagan ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Dinoyagan.