Ang Unang Kalabaw at ang Unang Baka
Noong unang panahon, ang balat ng unang baka at ng unang kalabaw ay eksakto lamang sa kanila. Nakapaglalakad din sila noon tulad ng tao na nakatayo sa kanilang hulihang dalawang paa. Nakatira sila sa bukid ng magsasakang si Mang Ambo. Sila ang katu-katulong ng matanda sa kaniyang mga gawain. Mabait naman si Mang Ambo sa kanila pero iniisip ng baka na masyado silang subsob sa trabaho.
“Sobra na ang amo natin. Palagi na lang tayong pinagtatrabaho sa init ng araw,” sabi ni Basyong Baka. “Tama na! Sobra na! Magbakasyon naman tayo,” dugtong pa niya.
“Oo nga, ano,” sangayon ng kalabaw na napapaisip sa sinabi ng kaibigan.
“Gusto mo maglaro tayo sa ilog mamayang hapon?” mungkahi ni Basyong Baka. “Tumakas tayo habang nagpapahinga si Mang Ambo,” ang dugtong pa niya.
At ganoon nga ang ginawa ng magkaibigan. Habang nagpapahinga ang amo nila ay dahan-dahan nilang kinalag ang kanilang tali at saka nagtakbuhan patungo sa ilog. Tinanggal nila ang kani-kanilang mga balat at isinabit sa mababang sanga ng kakawate. Mayamaya pa’y masaya nang naglaro sa tubig ang dalawa.
Dahil sa sobrang kasayahan ay hindi na nila namalayan ang oras. Nagising si Mang Ambo at nakitang wala na sa kanilang kulungan ang dalawang hayop. Dali-dali siyang bumangon at kinuha ang kaniyang latigo. Mabilis siyang lumabas para hanapin ang dalawa.
Naging madali lamang kay Mang Ambo ang paghahanap sa mga hayop. Sinundan lamang niya ang bakas ng mga paa nila sa lupa at nakita agad niya ang magkaibigang tuwang-tuwa sa paliligo sa ilog.
“Aha! Tumakas kayo para makapaglaro sa ilog!”galit na galit na sigaw ni Mang Ambo. “Heto ang bagay sa inyo!” sabi pa niya habang inaamba ang hawak sa latigo.
Sa takot na mahampas sila ng latigo ay kumaripas ng takbo paahon ang dalawa. Kinuha nila ang kani-kanilang balat na nakasabit sa sanga ng puno at dali-daling nagbihis. Subalit sa pagmamadali nila ay nagkapalit pala sila ng balat na isinuot.
Dahil mas malaki ang kalabaw, naging masyadong maluwag ang balat niya kay baka. Ang balat naman ni Baka ay masikip na masikip kay kalabaw. Hindi na nila magawang magpalitan uli ng balat sa takot kay Mang Ambo.
Hiyang-hiya ang dalawa sa kanilang amo. Naging mabuti naman sa kanila si Mang Ambo kaya nga lang, ang kalabaw at bakang tulad nila ay sadyang sa bukid dapat magtrabaho. Iyon kasi ang kanilang papel sa mundo. Sa hiya ay nakayuko silang lumapit kay Mang Ambo. Sa halip na patayo silang lumakad gamit ang dalawang paa sa hulihan ay ginamit nila ang apat na paa. “Patawad po, Mang Ambo,” halos paanas na sabi nila.
“Pinatatawad ko na kayo pero ipangako ninyong hindi na kayo uulit sa ginawa ninyong ito,” sabi naman ni Mang Ambo.
“Hinding-hindi na po, magiging tapat po kaming maglilingkod sa inyo,” pangako ng dalawa.
“Bilang tanda sa kasunduan natin, lalakad kayo gamit ang apat ninyong mga paa at hindi na rin kayo puwedeng magpalitan ng balat.
Panuito: Ilarawan ang bawat tauhan sa kuwentong “Ang Unang Kalabaw at Unang Baka” batay sa mga damdamin nito.