Sa mga lungsod-estado, naramdaman ng mga Griyego na sila ay bahagi ng
pamayanan. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob naman nila dito ang kanilang
katapatan at paglilingkod. Hindi lahat ng mga nasa lungsod-estado ay mamamayan
nito. Ang mga lehitimong mamamayan ay binigyang karapatang bumoto, magkaroon ng
ari-arian, humawak ng posisyon sa pamahalaan, at ipagtanggol ang sarili sa mga
korte.
Bilang kapalit, sila ay dapat na makilahok sa pamahalaan at tumulong sa
pagtatanggol sa mga polis sa panahon ng digmaan. Ang lahat ng ito, dagdag pa
ang paglago ng kalakalan, ay nagbigay daan sa pag-unlad ng mga lungsod-estado.
Kasabay nito ang mabilis na paglaki ng populasyon na naging pangunahing dahilan
naman kung bakit nangibang lugar ang mga Griyego.