Nang manungkulan si Dario sa pagkahari, napaharap siya sa isang
imperyong naghihimagsik at ipinapalagay na ginugol niya ang sumunod na dalawang
taon sa pagsugpo sa mga elemento ng insureksiyon sa buong kaharian. Ang Ehipto,
na naghimagsik laban sa pamatok ng Persia, ay muling nilupig ni Dario noong mga
519-518 B.C.E. Pagkatapos nito, pinalawak niya ang mga hanggahan ng
imperyo hanggang sa India sa Silangan at sa Tracia at Macedonia
sa Kanluran.
Napabantog din siya sa kaniyang mahusay na muling pag-oorganisa
sa kaayusan ng pangangasiwa sa buong imperyo, sa pagbuo ng kodigo ng batas para
sa imperyo, tinawag na Ordinansa ng Mabubuting Tuntunin, at sa muling
pagbubukas ng kanal na nagkokonekta sa Ilog Nilo ng Ehipto at sa Dagat na
Pula.