Ang heograpiya o ang pag-aaral sa pisikal na kaanyuan ng daigdig ay mayroong malaking impluwensya sa sinaunang kabihasnan. Ang pisikal na anyo o katangian ng isang lugar ang pangunahing isinaalang-alang ng mga katutubo sa pagpili ng lugar na titirhan o tutuluyan sa mahabang panahon. Halimbawa, ang lugar na may malawak na lupain ay gugustuhing tirhan ng mga katutubo upang magamit ang laki ng lupain sa pagsasaka at agrikultura. Maaari din namang piliin ng mga sinaunang tao na manirahan sa lugar na may malaking kapatagan at medyo malapit sa karagatan upang madali lamang ang pagkuha ng mga lamang -dagat para sa pakikipagkalakalan o sa pang-araw-araw na buhay man.