Ang isang
huwarang kabataang pandaigdig ay hindi lamang magaling sa paaralan ngunit
mayroon din itong tunay na malasakit sa kapwa at sa pamayanang kinabubuhayan at
mayroong takot sa Diyos na lumikha. Hindi masusukat ang pagiging huwaran sa
pamamagitan lamang ng dami ng medalya at matataas na grado na nakukuha sa mga
pagsusulit sa paaralan sapagkat ang tunay na huwarang bata na maaari mong
iharap sa buong mundo ay ang batang may puso. Puso upang magmalasakit sa ibang
kapwa bata, puso upang hindi maging makasarili at puso na handang maglingkod at
tumulong sa mga nangangailangan. Ang tunay na huwarang bata ay handang magbigay
ng oras sa mga bagay na higit pa sa laro at paligsahan. Ang tunay na huwarang
bata ay may tuntuning maging mabuti hindi lamang sa sarili kundi sa lahat at
upang ipakita sa mundo kung ano ang kayang ibigay ng isang bata para sa
pagbabago.