Sa bahaging “Kay Celia”, inilahad ng may-akda na si Francisco Balagtas
na inialay niya ang awit na Florante at Laura kay Celia (sa ibang libro ang
baybay ay Selya). Isiniwalat sa huling saknong nito na si Celia ay may sagisag
na M.A.R. (eMe-A-eRe ang bigkas noong panahon ng Espanyol na ito ay
naisulat) at ito ay walang iba kung hindi si Maria Asuncion Rivera na
kaniyang tunay at pinakainibig. Ginunita ni Balagtas ang masasayang alaala
nila ni Celia. Gayon din, inihayag ni Balagtas kung gaano niya ito kamahal at
hinahanap-hanap sa tuwina.
Tinawag ni Francisco Balagtas si Maria Asuncion Rivera na Celia
sapagkat inihalintulad niya ito kay Sta. Cecilia na patron ng musika dahil sa
hilig niya sa musika at husay sa pagtugtog.
Ngayon, iyo namang ipabasa sa kasama sa bahay (o sinomang
makatutulong sa iyo) ang ikalawang bahagi ng Florante at Laura.
Sa Babasa Nito
1. Salamat sa iyo, O nanasang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod;
ang tula ma'y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.
2. Kung sa biglang tingi'y bubot at masaklap,
palibhasa'y hilaw at mura ang balat,
nguni’t kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.
3. Di ko hinihinging pakamahalin mo,
tawana't dustain ang abang tula ko;
gawin ang ibigi't alpa'y nasa iyo,
ay huwag mo lamang baguhin ang berso.
4. Kung sa pagbasa mo'y may tulang malabo,
bago mo hatulang katkatin at liko,
pasuriin muna ang luwasa't hulo
at makikilalang malinaw at wasto.
5. Ang may tandang letra alin mang talata,
di mo mawatasa't malalim na wika,
ang mata'y itingin sa dakong ibaba,
buong kahuluga'y mapag-uunawa.
6. Hanggang dito ako, O nanasang pantas,
sa kay Sigesmundo'y huwag ding matulad:
sa gayong katamis wikang masasarap
ay sa kababago ng tula'y umalat.