Ang Batas Jones o ang Philippine Autonomy Act ay ang batas na nagbibigay sa mga Pilipino ng kalayaang magsarili at pangako ng pagkakaloob ng kasarinlan sa Pilipinas sa lalong madaling panahon kapag nagkaroon na ang bayan ng isang matatag na pamahalaan. Ito ang pinakamahalaga at pinakamataas na batas ng Pilipinas simula nang 1916 hanggang 1935 nang pagtibayin ang Saligang Batas ng Pilipinas. Ang Philippine Autonomy Act of 1916 na lalong kilala sa tawag na Batas Jones ay pinanukala ni Kinatawan William Atkinson Jones ng Virginia, U.S.A. at nasabatas noong ika-29 ng Agosto, 1916.